Miyerkules, Enero 11, 2012

Debosyon

Kapistahn ng Black Nazarene, Enero 9, 2012
Noong ika-9 ng Enero, 2012, ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Black Nazarene sa Parokya ni San Juan Bautista na mas kilala sa tawag na Quiapo Church.  Tulad ng dati, muli itong dinagsa ng milyun-milyong deboto o namamanata. Halos dalawampu't dalawang oras inabot ang prusisyon na sinasabing pinakamahabang at pinakamatagal na paglalakbay sa kasaysayan ng kapistahan.  Bagama't walang naitalang namatay, marami naman ang nasaktan o nasugatan, dehydration at exhaustion. Nairaos naman ang pagdiriwang sa kabila nang pagbabanta ng terorismo na naging dahilan upang pansamantalang itigil ang serbisyo ng telecommunication service providers sa kalakhan Maynila upang di magamit ang cellphone at mga katulad nitong eletronic gadgets.

Dinudumog ng mga deboto ang Itim na Nazareno sa paniniwalang ito ay nagbibigay ng himala.  Ang imahen ng Poong Nazareno ay representasyon lamang ni Jesus na naghihimala.  Hindi ang imahen ang naghihimala kundi si Jesus.  

Ang tunay na debosyon ay makikita kung may pagbabago sa pag-uugali o gawi ng deboto.  Ang tunay na namamanata ay hindi kayang pumatay ng kanyang kapwa.  Hindi nagtutulakan.  Walang nasasaktan.  Hindi nagkakasakitan.  

Kung may tunay na debosyon sa Black Nazarene, may pagbabago sana sa pag-uugali ng tao at masasalamin sa lipunan na kanyang ginagalawan.


---ooOoo---

Source Image: http://ph.news.yahoo.com/in-pictures--devotees-flood--black-nazarene--procession-20120108.html?bcmt=1326235200031-4ac4227e-d7fa-4587-aecd-46be1533e2da_00002S000000000000000000000000-d5fea4a3-d429-44f5-87ca-38025498b456#ugccmt-container-b

Linggo, Enero 8, 2012

Ang Tala

Ang Pagpapakita ng Panginoon

Ang Pagpapakita ng Panginoon sa sanlibutan ay nag-aanyaya sa atin na pagnilayan natin ang katotohanan tungkol sa buhay.

Ang buhay ay isang paglalakbay patungo sa Diyos na nagbigay ng direksyon upang makita siya.  Binigyan niya tayo ng isang tala upang maging tanglaw sa ating paglalakbay at gabay patungo sa kanya.  Subalit, meron namang mga bituin – tulad ng kapangyarihan, kayamanan, katanyagan at tagumpay na maaring maging balakid upang iligaw tayo sa tunay na landas at hindi makita ang tunay na bituin na magdadala sa atin patungo sa Ama.  Sa ating paglalakbay, kasamaa natin si Jesus na laging nagtuturo at umaakay sa atin patungo sa Ama.

Ang buhay ay isang tawag.  Tinatawag tayo sa buhay na kaisa ang Diyos.  Matapos Makita ng mga pantas si Jesus, sila ay tumungo sa iba’t-ibang direksyon.  Ang pagbabago ng landas ng mga pantas ay nagpapahiwatig na baguhin din natin ang ating buhay – piliin ang landas patungo sa Diyos.  Ang tunay na marunong ay alam kung saan patungo ang landas na kanyang tinatahak.